CAUAYAN CITY – Maaring maantala ang pagbaba sa mga labi ng anim na sakay ng cessna 206 plane mula sa dalisdis ng bundok sa barangay Ditarum dahil sa mga pag-ulan sa lugar.
Sa maging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Incident Managament Team Commander Atty. Constante Foronda na umaambon ngayon sa Divilacan kayat tiyak na maaapektuhan ang pagtungo sa crash site ng Composite Retrieval Team.
Bago makarating sa crash site ang retrieval team ay tatawid sila sa ilog hindi maaaring tawirin kapag umuulan dahil tataas ang water level ng ilog na malakas din ang agos ng tubig.
Ito ang ilog na tinawid ng mga Composite Search and Rescue Team nang gumanda ang lagay ng panahon bago nakarating sa crash site.
Sinabi ni Atty. Foronda na sumangguni sila sa PNP Crime Laboratory at pinayagan silang lagyan ng apog ang mga labi ng mga pasahero upang ma-preserba dahil nasa state of decomposition na.
Matapos nito ay babalutin ang mga labi at ilalagay sa mga cadaver bags at dadalhin ng Composite Retrieval Team saka muli silang tatawid sa ilog na mahirap tawirin kapag masama ang panahon.
Dadalhin ang mga labi sa bayan ng Divilacan at doon i-certify ang Municipal Health Officer ng Divilacan ang pagkamatay ng mga pasahero ng Cessa 206 Plane.
Sinabi rin ni Atty Foronda na humingi na siya ng pahintulot sa Northern Luzon Command o NOLCOM na gagamitin ang helicopter ng Philippine Air Force upang makuha ang mga labi sa Divilacan, Isabela at madala sa Tactical Operations Group o TOG 2 dito sa Lunsod ng Cauayan.
May prosesong gagawin ng mga tagasiyasat bago dalhin sa punerarya upang maisaayos ang mga labi ng biktima.