--Ads--

Iminungkahi ng mag-amang Davao City Reps. na sina Paolo “Pulong” Duterte at Omar Vincent Duterte na buhayin muli ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na popondohan ng P10 bilyon upang hindi magulat ang mga consumer kapag tumataas ang presyo ng langis sa world market.

Sa kanilang inihain na House Bill (HB) 8377 o Oil Industry Regulation and National Energy Security Act of 2026, pinaamyendahan ng mag-amang Duterte ang Republic Act (RA) 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 upang ibalik ang OPSF.

Ayon sa kanila, kapag tumataas ang presyo ng langis sa world market—tulad ng kasalukuyang sitwasyon dulot ng giyerang inilunsad ng Amerika at Israel laban sa Iran—nagkakaroon ng epekto sa presyo ng mga bilihin na lalo pang nagpapahirap sa mamamayan.

“It is in this regard that this bill seeks to repeal the Republic Act No. 8479 or the Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 to reestablish government price control of fuel pump prices and address the negative impact of frequent and abrupt fuel price changes on consumers,” ayon sa panukala.

--Ads--

Layunin ng OPSF na maging pantapal ng gobyerno sa anumang pagtaas ng presyo ng langis sa world market upang hindi ipasa ng mga oil company ang dagdag na gastos sa mga consumer at maiwasang makaapekto sa presyo ng bilihin at serbisyo publiko.

Bilang panimulang pondo, iminungkahi ng mag-amang Duterte na maglaan ang gobyerno ng P10 bilyon, kukunin mula sa sobrang makokolekta sa ad valorem o import duty ng mga inangkat na langis, incremental dividends ng mga government corporation, at savings ng national government.

“Fuel is not a luxury; it is the lifeblood of our economy. Uncontrolled surges in oil prices trigger a domino effect, raising the costs of transportation, food, and basic utilities, thereby pushing more Filipinos into poverty,” paliwanag ng mag-amang Duterte.

Ayon sa kanila, responsibilidad ng gobyerno na sagutin ang anumang pagtaas ng presyo ng langis sa world market.

Upang masiguro ang wastong paggamit ng pondo bilang proteksyon sa mga consumer, buwan-buwan ay magsusumite ang Department of Budget and Management (DBM) ng ulat sa Oversight Committee na bubuin ng dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa nagamit at natitirang balanse ng OPSF.

Ang OPSF ay dating binuwag nang isailalim sa deregulasyon ang industriya ng langis noong 1998, na nagbigay rin ng kapangyarihan sa mga oil companies na magtakda ng sariling presyo ng produktong petrolyo.