Magpapatuloy nag impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong araw July 7 sa Senado kung saan ihaharap ng prosekusyon at depensa ang kanilang mga testigo at ebidensya.
Matatandaan na kahapon Pormal nang binuksan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado kung saan inilatag ng magkabilang panig ang kanilang mga pambungad na argumento hinggil sa mga reklamong kinahaharap ng pangalawang pangulo.
Nahalal si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court matapos ang mahigit isang oras na mainit na talakayan sa pagitan ng ilang senador. Bumoto ang mga senator-judge ng 12-8 pabor sa kanyang pagkakahalal.
Mariing tinutulan nina Senador Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano ang paghalal ng bagong presiding officer, iginiit na tanging ang Senate President lamang ang maaaring mamuno sa impeachment trial. Gayunman, pinagtibay ni Senate President Sherwin Gatchalian ang paghalal kay Escudero batay sa mga binagong tuntunin ng Senado.
Sa pambungad na pahayag ng prosekusyon, sinabi ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na ang apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte ay sumasalamin umano sa iisang kuwento ng paglabag sa tiwala ng publiko.
Ayon kay Luistro, maghahain sila ng mga dokumento, ulat ng pamahalaan, financial records, video recordings, at iba pang ebidensyang magpapatunay sa umano’y maling paggamit ng mahigit P612 milyong confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at mga banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, ipinagtanggol naman ng lead counsel ng depensa na si Atty. Sheila Sison ang bise presidente at binigyang-diin na siya ay inihalal ng mahigit 32 milyong Pilipino. Iginiit din niya na hindi dapat naaabuso ang proseso ng impeachment at nasa prosekusyon ang obligasyong patunayan ang lahat ng paratang laban sa kanyang kliyente.
Hindi dumalo si Vice President Duterte sa unang araw ng paglilitis. Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Michael Poa, abala ang bise presidente sa isang planning session kaugnay ng paghahanda para sa Super Typhoon Bavi.
Sa mga naging pasya ni Escudero bilang presiding officer, nilinaw niyang kinakailangan pa rin ng hindi bababa sa 16 na boto upang mahatulan at mapatalsik sa puwesto ang bise presidente, anuman ang bilang ng mga senador na hindi makadadalo sa paglilitis.
Iniutos din niya ang pagbabalik sa Bureau of Internal Revenue ng kahon na naglalaman ng tax records ni Duterte dahil hindi pa ito pormal na naihaharap bilang ebidensya sa impeachment court.











