Halos magsiksikan na sa mga pampublikong bomb shelter ang ilang residente tuwing tumutunog ang sirena bilang babala sa muling pagpasok ng mga missile sa himpapawid ng Israel mula sa Iran.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Harrold Agbayani, nananatiling alerto ang mga Pilipino roon at laging handang tumungo sa bomb shelter bitbit ang kanilang emergency bag na may lamang mahahalagang dokumento, pasaporte, at ilang pares ng damit para sa biglaang paglikas.
Dagdag pa ni Agbayani, walang pinipiling oras ang pag-atake maaaring tumunog ang sirena anumang oras, kaya’t patuloy ang kanilang pagbabantay sa gitna ng palitan ng missile ng dalawang bansa.
May paalala rin aniya sa mga Pilipino roon na kahit tutol ang employer o kasamahang Israeli sa pagpunta sa safe room, inuuna pa rin dapat ang pansariling kaligtasan. Sa sandaling makapasok sa ligtas na lugar, naghihintay sila ng abisong ligtas na upang muling makalabas at makabalik sa trabaho.
Nakakalungkot umano na may ilang Pilipinong nasaktan dahil sa pagsasawalang bahala sa babala mula sa Israeli government.










