Nakahanda na ang Estados Unidos sa posibleng pagganti ng Iran matapos nitong bombahin ang tatlong nuclear sites ng naturang bansa.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Marissa Pascual ng USA na bago pa man ang matagumpay na pag-atake ay nakahanda na ang US sa anumang retaliation na gagawin ng Iran lalo na at dati na umanong may banta ang Israel sa US kaugnay sa pakikialam nito sa kaguluhan sa Middle East.
Ang tanging hangarin umano ni US President Donald Trump ay magkaroon ng kapayapaan sa Middle East at umaasa ang pangulo na matapos ang ginawa nilang pag-atake ay susunod na ang Iran sa peace deal.
Bagama’t normal pa rin naman ang sitwasyon sa US matapos ang strike sa Iran ay mayroon na umanong paghihigpit sa ilang mga pampublikong lugar gaya na lamang sa mga paliparan.
Aniya, nakakaramdam na rin umano ng tensiyon ang mga residente roon lalo na sa posibleng retaliation ng Iran.
Samantala, sa ngayon ay mayroon na umanong mga US citizens sa Middle East partikular sa Israel ang humihingi na ng tulong sa pamahalaan upang makapag-repatriate matapos silang maipit sa kaguluhan.