--Ads--

Binigyan ng mababang grado ng Federation of Free Farmers ang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang Super El Niño na maaaring makaapekto sa produksyon ng pagkain hanggang 2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niyang mabagal umano ang tugon ng Department of Agriculture dahil hindi sapat ang tulong at impormasyon na nakararating sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Montemayor, mas matindi ang epekto ng Super El Niño kumpara sa karaniwang El Niño dahil maaari itong magdulot ng matinding tagtuyot at malaking hamon sa pagtatanim, lalo na sa mga lugar na walang sapat na irigasyon.

Dahil dito, iminungkahi niya ang mas maagang pagtatayo ng water impounding at rainwater collection projects upang may mapagkukunan ng tubig ang mga magsasaka sa panahon ng tagtuyot.

--Ads--

Maaari rin umanong maapektuhan ang fisheries, seaweed, livestock at poultry sectors dahil sa matinding init at pagbabago ng temperatura ng tubig.

Payo naman ni Montemayor sa mga magsasaka at mangingisda na manatiling nakatutok sa mga abiso ng pamahalaan at isaalang-alang ang mga pananim na mas kaunti ang pangangailangan sa tubig.