CAUAYAN CITY- Paghihiganti sa alitan sa basketball ang nakikitang dahilan ng pulisya kaya binaril ng isang lalaki ang mag-inang biktima sa Benito Soliven, Isabela.
Ang suspek ay si Jordan Santos, nasa tamang edad, walang asawa at residente ng Gomez, Benito Soliven habang ang mga biktima ay ang mag-inang sina Marieta Vizcara, tatlumpot siyam na taong gulang at anak na 16 anyos, mga residente rin sa naturang barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Inspector Joel Bumanglag, hepe ng Benito Soliven Police Station na nagkaroon umano ng alitan ang suspek at ang anak ni Marieta nang sila ay naglalaro ng Basketball.
Nakita umano ni Marieta ang pangyayari kung kayat pinuntahan niya kung saan sila naglalaro.
Makaraan nito ay dumating din ang asawa ni Marieta at dito na nagkaroon ng tensyon ang dalawang panig.
Nang humupa na ang tension ay umuwi na umano ang mga sangkot subalit sa pag-uwi ni Santos kinuha na niya ang kanyang airgun at saka pumunta sa bahay ng mga biktima.
Mula sa labas ng bahay ay tatlong beses umano siyang nagpaputok ng baril kung saan tinamaan si Marieta sa daliri ng kanyang kaliwang kamay habang tinamaan sa likurang bahagi ng katawan ang kanyang anak.
Sinampahan na ng kasong frustrated homicide si Santos.




