CAUAYAN CITY – Patuloy na sinisiyasat ng militar ang pagkakatagpo ng matataas na kalibre ng armas na kinabibilangan ng dalawang M14 armalite rifle, apat na M16 armalite rifle, isang MG503 baby armalite at mga bala mula sa mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa masukal na kagubatan ng Disimungal Maddela, Quirino.
Natagpuan din ang15 pares ng PNP uniforms at 14 na combat boots.
Inihayag ni Sgt. Jake Lopez ng 5th Infantry Division Philippine Army na sinisiyasat nila ang pagkakatagpo ng mga matataas na kalibre ng baril at uniporme ng pulis upang malaman kung ito ay binili o hinubad lamang ng mga teroristang grupo mula sa mga sinalakay na PNP.
Matatandaan na sinalakay ng mga rebeldeng grupo ang Gonzaga Cagayan na ginamit ang uniporme ng mga pulis upang linlangin ang mga imbestigador.
Tinitignan din aniya nila ang anggulong may kinalaman sa nangyaring paghubad sa mga uniporme ng mga pulis sa Compostela Valley.
Samantala, ayon naman kay Sgt. Clifford Sorriano na malaking kawalan aniya para sa hanay ng NPA ang pagkakatagpo sa mga nasabing baril.
Dahil dito nagpapasalamat siya sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon.




