--Ads--

CAUAYAN CITY – Iimbestigahan ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon ang pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker na sinasabing nahulog mula sa ikaanim na palapag ng gusali na tinitirhan ng kanyang employer ngunit hindi naniniwala ang kanyang pamilya sa San Mateo, isabela.

Ang namatay na OFW ay si Alma Cristobal na residente ng San Andres, San Mateo, Isabela.

Sinabi ng kanyang kapatid na si Marilyn Orpia na idinaing na sa kanya ng kapatid ang pagkakaroon ng sakit dahil hindi siya pinapakain nang husto ng kanyang amo.

Napag-alaman din nila na isang isang OFW ang nakakita na nasa likod ni Cristobal ang kanyang amo habang nagsasampay ng mga damit, ilang minuto bago sinabi na siya ay nahulog sa gusali.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng OFW na si Gng. Erlinda Aquino na tubong Tarlac at kasapi ng Kapitbisig Group sa Lebanon na idinulog nila sa Embahada ng Pilipinas ang kaso ni Cristobal matapos na maiparating ito sa kanila.

Tiniyak aniya ng embahada ng Pilipinas na iimbestigahan ang kaso ni Cristobal at tatanungin nila ang kanyang amo.

Ayon kay Gng. Aquino, hindi sila naniniwala na nahulog si Cristobal dahil matataas ang mga rehas na pinakabakod ng mga terasa ng gusali sa Lebanon.