Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court kaugnay ng kinakaharap nitong kasong crimes against humanity.
Ang petsa ay itinakda ng ICC Trial Chamber III sa isinagawang unang status conference nitong Miyerkoles, Mayo 27, bilang bahagi ng paghahanda para sa paglilitis.
Ayon kay Presiding Judge Joanna Korner, handa ang hukuman na aprubahan ang mungkahi ng prosecution na simulan ang trial sa Nobyembre 30.
Gayunman, sinabi ni Korner na kailangan pa ring hintayin ang resulta ng panibagong pagsusuri sa kalusugan ni Duterte upang matukoy kung fit itong humarap sa paglilitis.
Dagdag pa niya, nais ng hukuman na magkaroon ng pagdinig limang araw kada linggo, ngunit isasaalang-alang pa rin ang mga rekomendasyong inilatag noong confirmation hearing.
Nauna nang ipinag-utos ng ICC ang muling medical assessment kay Duterte matapos humiling ang kampo nito ng panibagong pagsusuri.
Ayon naman kay Korner, paghahandaan ng magkabilang panig ang isang joint letter of instruction kaugnay ng naturang medical examination.
Nais ng ICC Prosecution na sa Nobyembre 30 magsimula ang paglilitis, habang wala pang inihahaing partikular na petsa ang depensa hangga’t hindi natatapos ang usapin sa fitness to stand trial ng dating pangulo.
Samantala, Setyembre 2026 naman ang mungkahi ng legal representatives ng mga biktima, habang Enero 2027 ang rekomendasyon ng ICC Registry.
Itinakda naman ang susunod na status conference sa Hunyo 23 at Hulyo 14.











