--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasahan na ang pagluwag sa daloy ng mga sasakyan sa inaayos na mga kalsada sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos magpatupad ng mga hakbang ang DPWH Region 2.

Ito ay dahil na rin sa mga reklamong natanggap ng DPWH mula sa mga motorista at commuter dahil sa naranasang halos kalahating araw na walang galawan ng mga sasakyan nitong mga nakalipas na buwan.

Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang deployment ng karagdagang magmamando sa trapiko sa mga ginagawang kalsada, paglalagay ng malinaw at sapat na signages, reflectorized bollard at higit sa lahat ay binawasan na rin ang oras ng paghihintay ng mga sasakyan sa mga one-way na kalsada.

Ibinalita rin ng ahensya na ang ginagawang kalsada sa Sta. Fe at Baretbet section sa bayan ng Bagabag ay bukas na para sa two-way traffic kaya asahan na umano ang mas maluwag na daloy ng mga sasakyan.

--Ads--

Ayon sa DPWH, kasalukuyan ang implementasyon ng 38 road reblocking and widening projects na may kabuuang haba na 39.24 kilometers sa mahigit 100-kilometer stretch ng Daang Maharlika sa Nueva Vizcaya, na isa sa mga priority projects ng national government.

Mariin namang nagpasalamat ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa pagtugon ng DPWH-Region 2 sa kanilang hinaing dahil lubos ng naaapektuhan ang mga negosyo at ekonomiya sa kanilang lalawigan sa naturang problema sa trapiko.

Samantala, ngayon pa lamang ay inilatag na ng DPWH ang kanilang contingency plan para sa nalalapit na obserbasyon ng Todos Los Santos ngayong Nobyembre, kung saan inaasahang muli ang dami ng mga biyaherong mag-uuwian sa mga lalawigan sa rehiyon dos.