Mas paiigtingin ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) ang mga hakbang laban sa cattle rustling o pagnanakaw ng mga alagang hayop sa lalawigan kasunod ng mga naitatalang insidente nito sa iba’t ibang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., sinabi niyang napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong kasama ang Philippine National Police (PNP) Isabela na higit pang paigtingin ang operasyon at koordinasyon upang matugunan ang naturang krimen.
Ayon kay Atienza, inatasan ang mga pulis na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay at mga nagtitinda ng karne ng baka, kalabaw at iba pang livestock upang masuri kung may kaukulang permit ang mga ito at matukoy ang pinagmulan ng mga ibinebentang karne.
Layunin ng hakbang na mapigilan ang pagbebenta ng mga karne na posibleng nagmula sa mga ninakaw na hayop at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na gawain.
Tiniyak ni Atienza na magpapatuloy at lalo pang paiigtingin ng IACTF at mga law enforcement agencies ang kanilang operasyon upang maprotektahan ang mga livestock raisers at tuluyang masugpo ang cattle rustling sa lalawigan.









