Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maibabalik sa bansa si dating Ako Bicol Congressman Zaldy Co sa loob ng isa hanggang tatlong linggo.
Ayon kay Remulla, inaayos pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Czech Republic ang pagpapabilis sa extradition ni Co sa Pilipinas. Ang DFA ang lead agency para rito.
Una nang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Co na pinaghahanap ng batas dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang multi-billion peso flood control mess ay pinigil sa German border mula Czech Republic. Hindi na siya pinapasok doon at ibinalik sa Czech authorities dahil walang kaukulang dokumento at kanselado na ang kanyang passport.
Si Co ay nakakulong sa kasalukuyan sa Prague.
Sinabi ni Remulla na si Co ay namataan sa Italy nitong nakalipas na tatlong linggo at nagpapalipat-lipat ng lugar para hindi makilala at mahuli.
Aniya, ang DILG ang mangangasiwa sa custody ni Co oras na ito ay nakabalik na sa Pilipinas. Ikukulong ito sa Kampo Krame at isasalang sa paglilitis ng Sandiganbayan upang kaharapin ang mga kasong graft at malversation.
Sinasabing si Co ay umalis ng Pilipinas noong kalagitnaan ng 2025 para magpagamot abroad pero hindi na nakabalik matapos masangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa sa pamamagitan ng kompanyang Sunwest Corporation.
Si Co ay isinangkot ng ilang opisyal ng DPWH na isa sa mataas na opisyal na kumita ng malaking halaga ng kickback mula sa multi-bilyong flood projects.
Dito na umaksyon ang Kamara na mapabalik sa Pilipinas si Co. Mula nang makansela ang passport ni Co noong 2025, nanatili na sa labas ng bansa ang dating mambabatas.











