Binigyang diin ng isang abogado na may mabigat na epekto ang pagkansela ng pasaporte ng mga opisyal ng pamahalaan na may kinahaharap na kaso sa Pilipinas at kasalukuyang nagtatago sa ibang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo ’’Egon’’ Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), sinabi niyang kapag kinansela ang pasaporte ng mga opisyal ng pamahalaan na nasa ibang bansa, agad na ipapaalam itong pamahalaan ng Pilipinas sa host country ang naturang kanselasyon. Dahil dito, ang Pilipinong nasa ibang bansa ay awtomatikong maituturing na undocumented alien at, alinsunod sa mga batas ng host country, maaari itong agad na pauwiin sa Pilipinas.
Paliwanag ni Cayosa, ang pagkansela ng pasaporte ang pinakamabilis na paraan upang maibalik sa bansa ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso dahil kontrolado ng pamahalaan ng Pilipinas ang proseso.
Gayunman, iginiit niyang dapat pa ring magsumite ang gobyerno ng mosyon sa korte upang ipawalang-bisa ang pasaporte ng mga akusado, sapagkat tungkulin ng hukuman na mag-assert ng aktwal na hurisdiksiyon sa mga ito. Aniya, hindi dapat patumpik-tumpik ang korte sa pag-aksyon sa ganitong mga kaso.
Dagdag pa ni Cayosa, hindi dapat gamiting dahilan ang pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na isa umano itong political prosecution. Aniya, madalas na ginagamit na dahilan ng mga nagtatago sa batas ang ganitong argumento upang umiwas sa legal na proseso.
Samantala, ikinagulat naman ng ilang senador ang pagkalaya ni Cassandra Ong.
Kung matatandaan, siya ang isang negosyanteng konektado sa Lucky South 99 Outsourcing, Inc., at POGO operator sa Porac, Pampanga.
Paliwanag ni Cayosa, hindi na dapat ikinabigla ang paglaya nito dahil malinaw na nakapaloob sa contempt powers ng Kongreso na maaari lamang mapanatiling detenido ang isang uncooperative witness habang may aktibong session o nagpapatuloy ang imbestigasyon. Kapag natapos na ang pagdinig o nagsara na ng session ng kongreso, awtomatikong napapawalang-bisa ang contempt order.
Hindi rin nag-resume ang 20th Congress, kaya tanging muling pagpapatawag at pag-isyu ng panibagong utos ang tanging paraan upang ma-detain muli ang sakaling hindi sumipot na testigo, isang hakbang na hindi naman ginawa ng Senado. Dahil dito, sinabi ni Cayosa na hindi dapat ipinagtataka ng mga senador ang pagpapalaya kay Ong.
Iginiit din ng abogado na nasa pamahalaan ang responsibilidad na agarang magsampa ng kaso at sa hukuman naman ang tungkuling maglabas ng warrant of arrest. Kapag bumagal aniya ang proseso, natural na maaabisuhan ang mga akusado at may posibilidad silang magtago, lalo na kung alam nilang wala na silang takas sa kanilang mga kaso.







