
CAUAYAN CITY – Itinuturing ng bagong commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na malaking hamon na ipagpatuloy ang standard ng kanyang pinalitan na si MGen. Pablo Lorenzo na nagretiro na sa serbisyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGen. Laurence Mina, commander ng 5th ID, sinabi niya na malaking hamon para sa kanya kung paano ipagpapatuloy ang standard ng pinalitan niyang commander ng 5th ID.
Bukod pa rito ang mas malawak ng area na kanyang hahawakan dahil mula sa infantry brigade ay naging division na.
Gayunman ay tiniyak niya na ipagpapatuloy niya ang mandato sa kanila pangunahin na ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte tapusin ang local communist armed conflict bago matapos ang termino ng pangulo sa 2022.
Kasama niya ang mga pinuno at tauhan ng 5th ID para ipagpatuloy ang mga nasimulan ng dating division commander.
Pangunahing pinasalamatan ni BGen. Mina ang Diyos dahil hindi ito mangyayari kung wala siyang pahintulot.










