--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan sa mga kasapi Cauayan City Police Station si Citry Councilor Cynthia Uy Balayan na higpitan ang pagpapatupad sa ordinansa hinggil sa curfew hour para wala nang nakikitang mga menor de edad pagala-gala sa dis oras ng gabi sa Cauayan City.

Noong Lunes ay pinuna ni Balayan sa kanyang malayang talumpati ang tila malamyang pagpapatupad ng curfew hour sa kalunsuran.

Ito ay dahil sa kanyang pag-iikot sa madaling araw ay marami pa rin siyang nakikitang kabataan na pagala-gala sa mga lansangan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Councilor Balayan na layunin ng curfew hour na wala nang makitang kabataan sa mga lansangan simula 10:00 pm hanggang 4:00 am.

--Ads--

Ito ay upang mai-iwas ang mga menor de edad sa kapahamakan at hindi sila masangkot sa krimen.

Nakasaad sa ordinansa na may parusa ang lalabag dito. Ang 1st offense ay apat na oras na community service, ang ikalawang paglabag ay anim na oras na community service at ang at ikatlo ay multa na tatlong daang piso at walong oras na community service.

Nanawagan si Balayan sa mga magulang na higpitan ang mga anak at huwag hayaang na lumabas sa dis oras ng gabi.

Hiniling din niya sa PNP Cauayan City na paigtingin din ang pagpapatupad sa mga ordinansa sa lunsod.