Mahigpit na ipinagbabawal sa Lungsod ng Santiago ang pagparada sa sidewalk na maituturing na obstruction sa ilalim ng umiiral na traffic rules and regulations.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi niyang may kaukulang multang ₱500 ang sinumang mahuhuling lalabag sa naturang patakaran.
Gayunman, inamin ng opisyal na may ilang establisimyento sa lungsod na walang sapat na parking space upang ma-accommodate ang lahat ng sasakyan ng kanilang mga kliyente.
Dahil dito, may mga pagkakataong pinapayagan ang pansamantalang pagparada sa gilid o bahagi ng sidewalk, basta’t hindi ito nagdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Nilinaw ni Cabanos na maaari lamang itong payagan kung hindi rush hour at kung ang sasakyan ay hindi inabandona. Ibig sabihin, kinakailangang naroon ang driver at handang umalis anumang oras sakaling kailanganin itong ipatanggal upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Kapag nagdulot ng abala o naging sanhi ng pagsisikip sa kalsada ang pagparada, agad itong pinapaalis ng mga awtoridad at maaaring patawan ng kaukulang multa.









