
CAUAYAN CITY – Posibleng may mas mabigat na motibo sa likod ng pananambang at pagpatay kay Aparri Vice Mayor Romel Alameda.
Kasabay nito ay ang paghihintay ng Police Regional Office 2 o PRO 2 sa arrest warrant laban sa mga pinaghihinalaan sa pananambang at pagpatay kay Aparri Vice Mayor Alameda at sa limang kasamahan nito sa Baretbet, Bagabag Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Plt. Col. Saturnino Soriano, tagapag salita ng PRO 2 sinabi niya na sa ngayon ay may person of interest na sila sa pananambang kay Aparri Vice Mayor Alameda at sa lima pa nitong kasamahan.
sa ngayon ay hindi pa maaaring isiwalat o isapubliko ang pagkakakilanlan ng mga pinaghihinalaan upang hindi makumpromiso ang ginagawang imbestigasyon gayunman ay nag papatuloy ang pagtugis sa mga nagtatagong suspect.
Hinihintay parin sa ngayon ang resulta ng forensic examination sa mga narekober na bala na tutukoy kung sino ang may-ari sa mga armas na ginamit sa pananambang.
Patuloy ding nangangalap ng ebidensya ang Regional Cyber Crime Unit sa mga narekober na cell phone ng mga biktima upang matukoy kung may kaaway o pagbabanta sa buhay si Vice Mayor Alameda bago ang pananambang.
Umaasa ang Pulisya na matutukoy ang master mind sa likod ng pamamaslang oras na mapasakamay na ng pulisya ang mga gun man na siya ring responsable sa pagsunog sa getaway vehicle.










