Nakatakda nang simulan ang pagsasaayos ng mga kalsada sa Wes Tabacal Region sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Ceasar “Jaycee” Dy Jr. ng Cauayan City, sinabi niya na mayroon nang nakalaang pondo para sa naturang proyekto.
Aminado ang Alkalde na maraming mga residente ang nag-aabang na maayos ang aniya’y baku-bakong kalsada ngunit paliwanag niya, ang pagsisimula ng isang proyekto ay nakadepende sa kung kailan darating ang pondo para rito.
Maliban dito ay humingi rin umano si Dy ng pondo para sa pagsasaayos ng mga sirang approach ng mga tulay sa Lungsod maliban pa ito sa isinasaayos na Sipat Bridge.
Titiyakin na ngayon ng pamahalaang panlungsod na mas maghihigpit sila pagdating sa pagkuha ng mga contractors dahil kinakailangan nang magpasa ng mga ito ng traffic scheme sa mga gagawing proyekto, at kung gaano katagal ang konstruksyon.
Sa pamamagitan nito ay mas magiging maayos ang paglalatag ng proyekto nang hindi makapagdudulot ng labis na abala sa publiko.










