Naobserbahan ng ilang kumpanya sa Santiago City ang pagdami ng bumibili ng e-bike, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lorena Galapon, Area Master Team sa Santiago City, sinabi niya na nagsisimula sa mahigit ₱19,000 ang presyo ng two-wheel na e-bike, ngunit mas mataas ang benta ng three o four-wheel unit sa kasalukuyan.
Sa isang araw, umaabot na sa higit limang unit ang kanilang naibebenta, kumpara noon na isa hanggang dalawang unit lamang kada araw. Bukod sa pagiging mas convenient, nakakaengganyo rin sa mga mamimili ang mga discounts at lifetime service na inaalok ng mga tindahan.
Dagdag pa ni Galapon, ang apat na gulong na e-bike ay kinakailangan lamang ng anim hanggang walong oras na pagcha-charge at kaya nang bumiyahe ng tinatayang 45 hanggang 65 kilometro. Umaabot naman sa ₱20 hanggang ₱30 ang gastos sa kuryente para sa isang unit na maaaring gamitin ng hanggang tatlong araw.
Dahil dito, inaasahan ang pagdaragdag ng supply ng e-bike upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng demand sa lungsod.











