--Ads--

Ikinababahala ng mga awtoridad ang patuloy na pagtaas ng vehicular incidents sa lungsod ng Santiago, kung saan malaking porsyento umano nito ay may kinalaman sa pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Acosta Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit (TEU), sinabi niya na mula Enero hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala na sila ng 48 insidente na nagresulta sa kabuuang 70 crime-based cases.

Aniya, mas mataas ang bilang ng crime-based cases dahil sa bawat insidente ay maaaring magresulta sa higit sa isang paglabag, kabilang ang reckless imprudence resulting in damage to property, physical injury, at homicide.

Ayon pa sa opisyal, nasa 50 porsyento ng mga naitalang vehicular incidents ay sangkot ang mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

--Ads--

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang TEU sa Land Transportation Office (LTO) upang ma-deputize ang kanilang mga tauhan bilang paghahanda sa mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act) at Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Aniya, sa oras na maisakatuparan ang deputation, mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng batas at pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga lalabag.