--Ads--

May ilang mga jeepney drivers na sa bansa ang hindi umano namasada ngayong araw dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, sinabi niya na sa bahagi ng Bacolod City ay marami na ang hindi bumiyahe dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno sa kabila ng pagsirit ng presyo ng krudo.

Bagama’t nauunawaan nito na ang sitwasyon ng mga drivers at operators dahil sa pagkalugi ay hinihikayat pa rin niya ang mga ito na mamasada upang hindi maapektuhan ang mga mananakay.

Kung magpapatuloy aniya ang ganitong sitwasyon ay hindi malabo na mas dumami pa ang mga hindi mamamasada. Aniya, gusto nilang maghanap-buhay subalit dahil sa taas ng presyo ng produktong petrolyo ay malaking kalugian na ito sa kanilang hanay.

--Ads--

Nananawagan sila sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na magbigay ng probational fare increase na dalawang piso habang inaantay ang ayuda mula sa pamahalaan.

Gayunpaman, binigyang-diin nito na ang fuel assistance ay hindi pa rin sasapat para sa transport sektor.