--Ads--

Hindi agad magdudulot ng pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo ang naging desisyon ng Iran na payagan ang Pilipinas na ligtas na makatawid sa Strait of Hormuz.

Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Department of Energy Secretary Sharon Garin na nakakuha ang bansa ng ligtas at preferential na access sa nasabing daanan. Ayon sa kanya, makatutulong ito upang mabawasan ang panganib ng pagkaantala sa suplay ng langis, mapalakas ang proteksyon sa mga kargamentong may kaugnayan sa Pilipinas, at mapabuti ang kaligtasan ng mga Pilipinong seafarer sa gitna ng umiiral na tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran.

Binigyang-diin din niya na ang hakbang ay bahagi ng risk management, dahil sa panahon ng pandaigdigang tensyon, mahalaga na ang anumang pagbawas sa panganib.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na hindi ito agad magpapababa ng presyo ng langis at hindi rin nito masosolusyunan ang mga pangmatagalang suliranin ng bansa sa sektor ng enerhiya, na patuloy pa ring tinututukan ng pamahalaan.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang mga tanong at pangamba ng publiko tungkol sa saklaw at epekto ng kasunduang ito ay bahagi ng isang malusog at may kaalamang diskurso.

Ang pagbibigay ng ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz ay kasunod ng pag-uusap sa telepono nina Ma. Theresa Lazaro at Seyed Abbas Araghchi. Tiniyak umano ng panig ng Iran na pahihintulutan ang ligtas, walang sagabal, at mabilis na pagdaan ng mga barkong may bandilang Pilipino, mga suplay ng enerhiya, at mga Pilipinong seafarer.

Sa kabila nito, iginiit ni Garin na hindi perpektong solusyon ang kasunduang ito at hindi nito tuluyang inaalis ang lahat ng panganib.