Tumaas na ang presyo ng ilang mga abonong ginagamit ng mga magsasaka sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, na nagdudulot ng dagdag na pasanin sa sektor ng agrikultura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na bago pa man sumiklab ang kasalukuyang krisis, ang presyo ng isang bag ng Urea ay nasa P1,500 hanggang P1,600. Ngunit nitong nakalipas na mga linggo, umabot na ito sa higit P2,000 kada bag.
Aniya, tinatayang 30% ang pagtaas ng presyo ng abono kung susumahin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, na pangunahing sangkap sa paggawa ng abono. Giit ni Montemayor, kung hindi maaaksyunan agad ng pamahalaan ang sitwasyon, posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng abono, na direktang makakaapekto sa produksyon ng pagkain sa bansa.
Binigyang-diin niya na mahalagang matiyak ng pamahalaan na may sapat na suplay ng abono at iba pang pangunahing inputs sa agrikultura upang hindi tuluyang maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Aniya kung maubusan ng abono ang mga magsasaka, hindi lamang sila ang mahihirapan, kundi maaapektuhan din ang suplay ng pagkain sa bansa, na maaaring magdulot ng mas mataas na presyo sa palengke at kakulangan sa ilang pangunahing produkto.
Dagdag pa ni Montemayor, nararapat ding pagtuunan ng pansin ang pag-regulate ng presyo at importasyon ng abono upang hindi maulit ang ganitong matinding pagtaas at upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura na pundasyon ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Bilang alternatibo sa mamahaling chemical fertilizers, iminungkahi rin ni Montemayor ang paggamit ng bio-fertilizer. Ayon sa kanya, mas mura at environment-friendly ang bio-fertilizer at makatutulong ito sa pagpapanatili ng fertility ng lupa habang bumabawas sa dependency sa imported o chemical fertilizers. Dagdag pa niya, kung mas maraming magsasaka ang gagamit ng bio-fertilizer, maaari itong magpababa ng gastos sa produksyon at tuluyang mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Aniya, dapat suportahan ng pamahalaan ang mga programang nagtuturo at nagbibigay ng subsidiya sa paggamit ng bio-fertilizer upang maging abot-kaya ito para sa maliliit na magsasaka.











