--Ads--

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Santiago City na naapektuhan ang pondo para sa waste collection matapos madoble ang mga gastos sa gasolina na ginagamit sa operasyon sa Lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Environment and Natural Resources Officer Mario De Guzman II ng Santiago City, sinabi nito na bagama’t nangangailangan ng malaking konsumo ng gasolina ang kanilang sasakyan ay patuloy pa rin nilang sinisiguro na hindi maisasakripisyo ang kalinisan at garbage collection sa Lungsod.

Aniya, maaaring mabawasan ang pondo para sa susunod na buwan dahil ang budget na nakalaan para sa isang buwan ay nagagamit lamang sa loob ng mas maikling panahon dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Mahigit sampung sasakyan ang ginagamit ng lokal na pamahalaan para sa waste collection na sumasaklaw sa tatlumpu’t pitong barangay sa Lungsod bukod pa sa mga garbage truck na pagmamay-ari ng barangay.

--Ads--