Iginiit ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na wala itong nilalabag na probisyon ng Anti-Epal Law at sinabing sinusuportahan nito ang layunin ng naturang patakaran na pigilan ang personal na pag-aangkin ng mga proyekto ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano III, sinabi niyang pabor siya sa direktiba na nag-aatas sa lahat ng provincial, city, municipal, at barangay officials, gayundin sa mga tanggapan ng DILG at mga attached agencies, na tiyaking walang personal na pangalan, slogan, kulay, logo, o larawan ng mga opisyal ang makikita sa mga signage, tarpaulin, sasakyan, at iba pang materyales na pinondohan ng pamahalaan.
Ayon sa gobernador, tama lamang na hindi inaangkin ng mga opisyal ang mga proyekto ng gobyerno kahit pa sila ang namahala at nagpatupad upang maisakatuparan ang mga ito, dahil ang mga naturang proyekto ay pinondohan ng pondo ng taumbayan.
Kaugnay sa mga sasakyan ng provincial government na may tatak na BRO Trucks, ipinaliwanag ni Gov. Albano na wala naman umanong pahayag o indikasyon sa mga ito na inaangkin ng sinumang opisyal ang naturang kagamitan. Aniya, nagsilbi lamang itong branding upang madaling matukoy na ang mga sasakyan ay nagmula at pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.
Gayunman, upang ganap na makasunod sa diwa ng Anti-Epal Law, inihayag ng gobernador na maglalabas siya ng executive order para sa pagpapatanggal na sa lahat ng tatak na may kaugnayan sa mga personal na pangalan, kabilang ang Bojie-Rodito branding, sa mga proyekto at pag-aari ng provincial government. Saklaw nito ang mga programang tulad ng BRO Scholarship at ang mga truck na ipinamahagi sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ng Isabela.
Binigyang-diin ni Gov. Albano na hakbang ito ng pamahalaang panlalawigan upang tuluyang maiwasan ang tradisyunal na patronage politics at maisulong ang transparency at mabuting pamamahala, alinsunod sa layunin at diwa ng Anti-Epal Law.
Hinikayat din niya ang mga local government unit na sumunod sa naturang direktiba upang matigil na ang ganitong gawain sa pamahalaan.










