--Ads--

CAUAYAN CITY – Away sa lupa ang isa sa tinitignang anggulo ng pulisya sa naganap na pamamaril ng hindi pa nakikilang pinaghihinalaan sa barangay kapitan ng Cataguing, San Mariano, Isabela

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. Vicente Guzman, hepe ng San Mariano Police Station, ang biktima ay kinilalang si Brgy. Kapitan Harley Deolaso, 55 anyos at residente ng naturang lugar.

Una rito, ang biktima ay sakay ng Toyota Pick up na nagtungo sa kanyang kapatid na si Vilma Deolaso,47 anyos, isang negosyante at residente rin ng lugar.

Nadatnan umano niya ang kapatid na inaasikaso ang lupain na pagtataniman ng punungkahoy kayat nilapitan niya ito.

--Ads--

Habang nagbubungkal sila ng lupa ay biglang dumating ang kinilalang sina Carlina at Nolly Pagallaman na taga-Alibadabad, San Mariano, Isabela at pinapahinto ang kanilang ginagawa.

Kinuhanan pa umano sila ng litrato ng ilang kasapi ng Pamilya Pagallaman.

Matapos nito ay biglang umalis si Nolly Pagallaman subalit makalipas ang ilang minuto ay bumalik siya na may kasama dalawang hindi pa nakikilang suspek.

Dito na umano pinagbabaril ng dalawang lalaki ang punung-barangay na agad namang nakatakbo sa kanyang sasakyan at tumakas sa lugar.

Ayon pa kay Chief Insp. Guzman, taong 2016 pa umano na may iringan sa lupa ang dalawang pamilya.

Nakita rin na may naunang nang reklamo si Vilma Deolaso sa kampo ng Pagallaman dahil sa umanoy pagbabanta sa kanyang buhay.

Inihahanda na ang pulisya ang kasong tangkang pagpatay laban sa mga suspek.