--Ads--

Nais ng pamilya Duterte na sa Pilipinas gugulin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang nalalabing mga araw kung sakaling bawian ito ng buhay bago matapos ang paglilitis sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Vice President Sara Duterte na napag-usapan na nila ng kanyang ama ang posibilidad na pumanaw ito habang nasa kustodiya ng ICC.

Ayon sa Bise Presidente, nakapagbilin na rin umano ang dating pangulo sakaling may mangyari sa kanya habang nakadetine. Gayunman, bilang pamilya at bilang mga Pilipino, mas nais nilang sa sariling bansa mamatay ang dating Pangulo.

Inihayag din ni VP Sara ang kanilang pangamba na baka pumanaw ang dating lider habang nakakulong sa ibang bansa dahil sa kanyang edad at sa iniinda nitong kondisyon sa balat.

--Ads--

Dahil dito, hiniling ng Bise Presidente sa ICC na pabilisin ang proseso ng paglilitis laban sa kanyang ama, na mahigit isang taon nang nakaditine.

Sa kabila ng mga naging habilin ng dating Pangulo, naninindigan ang pamilya na mas makabubuti kung makababalik siya sa Pilipinas upang dito harapin ang kanyang mga huling araw.

Sa kasalukuyan, nahaharap si dating Pangulong Duterte sa tatlong bilang ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon.