Traumatiko para sa pamilya ang pamamaril kay Lullette Jane Dela Cruz habang nasa sasakyan kasama ang kanyang tatlong anak, na naganap sa harap mismo ng kanilang bahay sa San Manuel, Isabela nitong Pebrero 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Clifford Dela Cruz, asawa ng biktima, natanggap niya ang tawag mula sa kanyang mother-in-law bandang alas-6 ng gabi na ipinaalam ang pagkamatay ni Jane. Hindi masyadong nakita ng pamilya ang mga suspek dahil agad nilang itinakbo si Jane sa ospital.
Nasa sasakyan ang mag-iina—ang biktima, tatlong anak na may edad 10, 6, at 2, at ang father-in-law—nang mangyari ang pamamaril.
Kwento niya, binuksan ng kanyang father-in-law ang maliit na gate upang makapasok sa loob at mabuksan ang malaking gate, kaya naiwan ang kanyang mag-iina sa loob ng sasakyan.
Pinaputokan si Jane sa mukha habang niyayakap ang dalawang anak niyang babae upang protektahan sila, at ang kanilang anak na lalaki ay nasa harap ng sasakyan at nasaksihan ang lahat ng nangyari. Nang lumabas na ang father-in-law mula sa pagbukas ng gate, agad na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Samantalang agad namang bumyahe si Dr. Dela Cruz mula Manila pauwi ng Isabela, at pagdating bandang alas-5 ng umaga, pinayuhan ang pamilya na huwag munang galawin ang bangkay ni Jane upang mabigyan siya ng pagkakataong mahagkan ito.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang tiyak na motibo sa pamamaril, ngunit may lead na ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon ng PNP. Nananawagan si Dr. Dela Cruz sa sinumang may impormasyon o CCTV footage na makakatulong upang matukoy at mahuli ang mga suspek.
Nagkaroon umano si Jane ng premonisyon tungkol sa kanyang kamatayan, kahit na lumabas na normal ang kanyang check-up. Naging malas para sa pamilya ang Friday the 13th, na kapareho rin ng ika-135 buwan ng kanilang relasyon.
Si Lullete Jane ay dating beauty queen at kinoronahan bilang Miss Earth Philippines 2013 runner-up at Miss Photogenic sa Reyna ng Aliwan 2014, Aliwan Fiesta.
Siya rin ang kinatawan ng Bambanti Festival sa Aliwan Fiesta, kung saan ang street dance ay irinepresenta ng Bato Art Festival ng Luna, Isabela.
Kilalarin si Jane bilang matapang na babaeng naging boses ng mga magulang ng mga mag-aaral na biktima ng bullying sa paaralan at walang takot na ipinag laban ang katotohanan.











