--Ads--

CAUAYAN CITY – Labis na nagdadalamhati ang pamilya ng mag-asawang nasawi matapos masabugan ng granada dakong alas otso ng umaga ng February 2, 2023 sa loob ng kanilang bahay sa District III, Gamu, Isabela.

Ang mga nasawi ay sina Charles Medrano, 40 anyos, magsasaka at Criselda Medrano, 43 anyos, guro  at kapwa residente ng nasabing barangay.

Nakaburol ang mga labi ng mag-asawa sa bahay ng mga magulang ni Charles sa District 3, Gamu, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lolita Medrano, nanay ni Charles na noong gabi bago ang pangyayari ay narinig umano ng kanilang anak ang pagtatalo ng  mga magulang.

--Ads--

Tutol si Charles na lilipat sa Santiago City ng pagtuturuan ang kanyang asawa dahil sa Gamu na siya nagtuturo kung saan naroon ang  kanilang bahay at mga anak.

Inaayos  na umano ng ginang ang mga papeles  upang mailipat na sa Santiago City na labis na tinutulan ng kanyang mister.

Ayon kay Ginang Lolita Medrano, madalas  talagang magkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa at dumating pa sa punto na naghiwalay sila pansamantala subalit sila ay nagkabalikan.

Wala silang kung saan galing ang granada at kung bakit may pampasabog sa loob ng bahay ang mag-asawa.

Sa ngayon ay pilit na tinatanggap ng pamilya ang nangyari sa mag-asawa at wala silang sinisisi.

Naulila ng mag-asawang Medrano ang kanilang dalawang anak na lalaki na nasa 14 anyos at 18 anyos.