Pamilya ng OFW na nasawi sa sunog sa Saudi Arabia, naghihinanakit sa pamahalaan
CAUAYAN CITY – Humihingi pa rin ng tulong ang pamilya sa Roxas, Isabela ng overseas filipino worker na nasawi sa naganap na sunog sa Saudi Arabia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Alpha Mae Castro, pamangkin ng isa sa dalawang OFW na si Reynaldo Castro na dahil walang mga opisyal ng pamahalaan ang nakipag-usap sa kanila ay nakipag-ugnayan na lamang sila sa tanggapan ng DFA sa Tuguegarao City noong lunes na nangakong sila na ang mag-aasikaso at makikipag-ugnayan sa agency ng nasawing OFW
Subalit hanggang ngayong araw ng Sabado ay wala pang ibinibigay na update sa kanila.
Nagpahayag ng hinanakit si Alpha Mae Castro dahil sa kabila ng mga napapabalitang tulong na matatanggap ng pamilya ng kanyang tiyuhin hanggang ngayon ay wala pang naibibigay ang pamahalaan.
Ngunit kanyang sinabi na nakipag-ugnayan na sa kanila si Punong-Bayan Totep Calderon ng Roxas na nangakong makipag-ugnayan rin kay Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE para maasikaso ang pagpapauwi sa mga labi ng nasawing OFW sa sunog.




