--Ads--

Ikinatuwa ng pamunuan ng Isabela State University (ISU) ang pag-angat ng pamantasan sa prestihiyosong 2025 Times Higher Education (THE) University Impact Rankings matapos itong pumangalawa sa lahat ng pamantasan sa Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, Presidente ng ISU System, sinabi niya na bukod sa pambansang pagkilala, nakamit din ng ISU ang malaking pag-angat sa world ranking nito matapos mapabilang sa 401–600 bracket sa buong mundo, malaking pag-angat mula sa dating 801–1000 placement nito noong 2024.

Kasama ng ISU sa ikalawang pwesto sa Pilipinas ang Batangas State University at University of the Philippines, na kinilala rin sa kanilang matibay na pagtutok sa Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations.

Ngayong taon, lalo pang tumaas ang puwesto ng unibersidad—hindi lamang dahil sa pagtaas ng performance kundi dahil din sa mas epektibong data reporting, mas pinahusay na inisyatibo ng mga guro, at mas aktibong partisipasyon ng mga estudyante sa mga programang nakatuon sa SDGs.

--Ads--

Tinatayang 2,526 unibersidad naman mula sa 130 na bansa ang sinuri ngayong taon batay sa kanilang ambag sa pagkamit ng mga layunin ng UN para sa kapayapaan at kaunlaran.

Aniya habang dumarami ang mga pamantasan sa Pilipinas na kinikilala sa pandaigdigang antas, nagsisilbing huwaran ang pag-angat ng ISU para sa layuning makapaghatid ng positibong pagbabago para sa komunidad at bansa.

Aniya ang natamong pagkilala ng ISU ay itinuturing nilang isang mahalagang milestone para sa unibersidad at nagsisilbing salamin ng walang humpay na pagsusumikap ng pamunuan, mga guro, kawani, at mag-aaral para sa inclusive, sustainable, at transformative development sa rehiyon at maging sa pandaigdigang antas.

Pinatibay nito ang papel ng ISU bilang isang educational institution na hindi lamang nakatuon sa academic excellence kundi maging sa makabuluhang pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng edukasyon, pananaliksik, at public service.