CAUAYAN CITY-Dahil sa kakulangan ng tustos ng dugo ng Philippine Red Cross (PRC) Isabela Chapter ay nanawagan sa mga naging bahagi ng taunang Dugong Bombo ng Bombo Radyo Phils. na gustong magdonate na kung maaari ay makipag- ugnayan lamang sa kanilang tanggapan.
Aminado ang pamanuan ng PRC Isabela Chapter na hirap ang kanilang tanggapan sa paglikom ng sapat na tustos ng dugo sa panahon ng pandemiya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PRC – Isabela chapter administrator Josie Stephanie Cabrera , sinabi niya na bagamat may ilang blood letting activities na isinagawa ang kanilang tanggapan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan ay hindi pa rin sapat ang nalilikom nilang dugo, upang tustusan ang tumataas na pangangailangan dito sa lalawigan.
Aniya sa panahon ng pandemiya ay tumaas ang pangangailangan ng dugo ngunit mababa ang supply nito dahil batay sa kanilang talaan hindi bumababa sa sampung katao ang nagtutungo sa kanilang tanggapan para kumuha ng dugo bawat araw.
Ayon kay PRC Isabela Chapter Administrator Cabrera na karaniwang ginagamit sa dialysis patient ang dugo na kinukuha sa kanilang tanggapan.
Bilang pagtugon sa kakulangan ng supply ng dugo ay sinisikap nilang makipag-ugnayan sa ibat ibang mga LGU’s, Private Sektor at iba pang mga institusyon para lamang makalikom ng sapat na supply ng dugo sa mga Isabelino.
Nanatiling bukas ang tanggapan para magsagawa ng screening sa mga nagnanais na mag donate ng dugo ang kanilang opisina sa araw ng Lunes hanggang Biyernes.