Nagbitiw sa kanyang puwesto si Serbian President Aleksandar Vucic nitong Linggo, pitong buwan bago matapos ang kanyang ikalawang limang-taong termino, na nagbubukas ng daan para sa maagang presidential elections sa bansa.
Ang pagbibitiw ni Vucic ay isinagawa habang naghahanda ang Serbia para sa snap parliamentary elections sa Oktubre 25.
Ayon kay Vucic, maaari siyang italaga bilang prime minister kung muling mabuo ng kanyang Serbian Progressive Party o SNS ang bagong pamahalaan.
Matagal nang dominado ni Vucic, 56, ang pulitika sa Serbia. Noong Hunyo, sinabi na rin niya na plano niyang bumaba sa pagkapangulo at magsagawa ng maagang parliamentary at presidential elections.
Sa ilalim ng Konstitusyon ng Serbia, pansamantalang mamumuno bilang pangulo si outgoing Parliament Speaker Ana Brnabic hanggang sa mahalal ang bagong pangulo. Kailangang maisagawa ang presidential election sa loob ng 90 araw.
Sinabi naman ni Vucic na inaasahan niyang maisasagawa ang unang round ng presidential elections bago matapos ang Disyembre.
Samantala, susubok sa impluwensiya ni Vucic ang snap parliamentary elections sa Oktubre, kung saan magtutunggali ang SNS at mga kaalyado nito laban sa student-led anti-corruption movement na Students Win at sa pro-Western opposition alliance na European Serbia.
Ang pagbibitiw ni Vucic ay kasunod ng malawakang protesta sa Serbia na nagsimula matapos ang pagbagsak ng isang bahagi ng bagong rekontruksiyong railway station sa Novi Sad noong Nobyembre 2024 na ikinamatay ng 16 katao.
Nanawagan ang mga estudyante at oposisyon ng pananagutan, transparency sa government procurement, pagtugon sa systemic corruption at pagsasagawa ng maagang parliamentary elections.
Itinanggi naman ng pamahalaan ang mga alegasyon ng mga nagpoprotesta.
Bago ang kanyang pagbibitiw, inanunsyo ni Vucic na pinagkalooban niya ng amnesty at pardon ang 49 na katao, kabilang ang 12 aktibista at 11 sa kanyang mga tagasuporta, na inaresto o naharap sa kaso kaugnay ng mga protesta.





