Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino sa United Arab Emirates (UAE) na patuloy na kumikilos ang pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng bansa at maresolba ang mga suliraning nagpapahina rito.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang pakikipagpulong sa Filipino community sa Abu Dhabi, bahagi ng kanyang dalawang araw na working visit sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.
Pinuri rin ng Pangulo ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa UAE dahil sa kanilang dedikasyon at kredibilidad na patuloy na nagdadala ng magandang imahe para sa Pilipinas.
Tinatayang 1 milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa UAE, dahilan upang maging ika-apat na pinakamalaking komunidad ng mga Pilipino sa bansa. Kabilang dito ang mga skilled workers, professionals, service workers, entrepreneurs, at creatives.
Sa parehong araw, nasaksihan nina Marcos at UAE President His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ang paglagda sa makasaysayang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA) – ang kauna-unahang free trade pact ng Pilipinas sa isang bansang nasa Gitnang Silangan.











