Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P3-bilyong fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda at agri-truckers upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), tig-P1 bilyon ang inilaan para sa bawat sektor.
Makakatanggap ang mga magsasaka ng one-time assistance na P5,000 sa pamamagitan ng Interventions Monitoring Card (IMC), habang P9,350 naman ang matatanggap ng mga kwalipikadong mangingisda.
Para naman sa mga agri-truckers at food-lane operators, may subsidyang hanggang P2,000 kada linggo na ipapasok sa IMC card at maaaring gamitin sa mga accredited na gasolinahan.
Target ng DA na simulan ang pamamahagi ng ayuda sa Nobyembre, ngunit posibleng mapaaga ito ngayong Oktubre kasabay ng planting season.
Tinatayang aabot sa 300,000 benepisyaryo ang makikinabang sa programa.
Samantala, naghahanda rin ang DA ng mga hakbang laban sa posibleng epekto ng Super El Niño kabilang ang pagpapalawak ng irrigation systems, farm-to-market roads, cold storage facilities, ice plants at iba pang post-harvest facilities upang mapanatili ang produksyon at suplay ng pagkain sa bansa.











