Muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa ngayong araw ng Martes, Marso 24.
Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), nagkaroon ng dagdag na P6.47 kada litro sa gasolina, habang P11.88 kada litro sa diesel, at P13.66 kada litro sa kerosene.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, bagamat patuloy ang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado, bahagyang kumalma ito kumpara sa mga nakaraang araw kaya hindi na kasing taas ng inaasahan ang ipinatupad na umento.
Gayunpaman, nananatiling mabigat ang epekto nito sa mga motorista, lalo na sa transport sector na direktang apektado ng sunod-sunod na oil price hike.
Patuloy namang hinihikayat ng DOE ang mga kumpanya ng langis na ipatupad ang staggered o dahan-dahang pagtaas ng presyo upang mabawasan ang biglaang epekto nito sa publiko. Subalit may ilang kumpanya na hindi ito magawa dahil sa pabago-bagong galaw ng presyo dulot ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Tiniyak naman ng DOE na sapat ang suplay ng langis sa bansa at inaasahang tatagal ang fuel stockpile hanggang unang linggo ng Mayo, kasabay ng pagdating ng karagdagang deliveries.











