Ipinag-utos ng International Criminal Court ang panibagong medical examination para kay dating pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung siya ay “Fit” at may kakayahang humarap sa paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Batay sa desisyong inilabas ng Trial Chamber III nitong Hunyo 12, muling itinalaga ang tatlong medical experts na naunang sumuri kay Duterte noong pre-trial stage. Kabilang sa mga ito ang mga especialist sa forensic psychiatry, geriatric at behavioral neurology, at neuropsychology.
Bagama’t nauna nang idineklarang fit si Duterte para sa pre-trial proceedings, sinabi ng Trial Chamber na kinakailangan nito ng sariling independiyenteng pagsusuri bago ang pormal na paglilitis.
Hiniling ng depensa ang panibagong pagsusuri dahil sa umano’y patuloy na paglala ng kalagayan ng dating pangulo at upang matiyak kung kaya niyang maunawaan ang mga sakdal, masubaybayan ang mga pagdinig, makapagbigay ng tagubilin sa kanyang mga abogado, at dumalo sa buong haba ng paglilitis.
Inatasan din ang panel na magrekomenda ng anumang espesyal na hakbang o akomodasyon kung kinakailangan para sa kanyang kalagayan.
Nakatakdang isumite ng mga eksperto ang kanilang ulat sa korte bago ang Agosto 18, 2026, habang maaaring magsumite ng obserbasyon ang magkabilang panig hanggang Agosto 31.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026.











