--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinatupad ang bagong lockdown sa France hanggang unang araw ng Disyembre 2020 at isinara ang mga border dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) pagkatapos na tanggalin ang unang ipinatupad na lockdown noong Mayo 2020.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Mylene Gonzales, OFW sa Paris, France na ipinatupad ang lockdown noong hatinggabi ng Huwebes at simula noong Biyernes ay sarado na ang mga malls, restaurant, cafe’ , bars at gym.

Sa ngayon, ang mga bukas na lamang ay ang mga kabilang sa mga essentials tulad ng supermarket at pharmacy.

Sa kabila naman ng pagpapatupad ng lockdown ay bukas pa rin ang mga eskuwelahan at puwede pang lumabas para magtrabaho subalit kailangan ng sulat na bigay ng kanilang amo.

--Ads--

Magtatagal ang lockdown sa unang araw ng Disyembre subalit nakadepende pa rin sa pagbaba ng kaso kung palalawigin ang lockdown pagkatapos ng naturang araw.

Ayon kay Ginang Gonzales, bago ang pagpapatupad ng lockdown ay nagpatupad muna ng curfew ang pamahalaan ng France at dahil walang naging pagbabago sa mga naitatalang kaso ay nagpatupad na lamang sila ng lockdown kasabay ng curfew hours.

Aniya, nang tanggalin ang unang lockdown ay sabay-sabay na nagbukas ang mga establisyemento, nawala ang social distancing at dumagsa ang mga turista.

Ang mga ito ang nakikita nilang rason kaya dumami muli ang kaso ng COVID-19 bukod pa sa katigasan ng ulo ng mga tao.

Dahil dito, naging istrikto na ulit ang pamahalaang France sa pagpapasok ng mga galing sa ibang bansa pangunahin na ang mga turista.

Sa ngayon ay mayroon ng 1,661,853 ang kaso ng COVID-19 sa naturang bansa at umabot na sa 39,865 ang namatay na karamihan ay mga matatanda habang ang recoveries ay 126,000.

Ang pahayag ng OFW na si Mylene Gonzales.