Matapos ang paglabas ng Philippine Area of Responsibility ng bagyong Marce ay pumasok naman sa loob ng PAR ang low pressure area na nasa silangan ng Bicol Region kaninang madaling araw.
Huling namataan ang LPA sa layong 1,150 km silangan ng Southeastern Luzon.
Inaasahang tuluyan na itong magiging ganap na bagyo sa susunod na 12 oras.
Sakaling lumakas bilang bagyo sa loob ng PAR, tatawagin itong bagyong Nika.
Pinaghahanda ang mga nasa Northern Luzon, Central Luzon, at Bicol Region sa magiging kilos ng potensyal na bagyong ito sa mga susunod na araw.
Sa ngayon ay wala pang epekto ang LPA sa alinmang lugar sa bansa.
Patuloy ding minomonitor ang isa pang LPA na nasa labas din ng PAR na huling namataan sa layong 2,870km silangan ng Northeastern Mindanao.
Sa ngayon medium ang tiyansa na ito ay maging bagyo bagamat malaki ang posibilidad ng paglakas nito habang nasa karagatan dahil walang mga weather system na nakakaapekto sa kanyang sirkulasyon.
Ngayong araw, bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Mountain Province, Ifugao, Kalinga, Apayao, at Aurora dulot ng Easterlies/Localized Thunderstorms.