--Ads--

Nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong araw, na siyang ikatlong sunod na linggo ng pagtaas ng presyo ng diesel at kerosene.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na magtataas sila ng presyo kada litro ng gasolina ng P0.30, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.30.

Magpapatupad din ng kaparehong taas-presyo ang Cleanfuel at Petro Gazz, maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Naging epektibo ang taas presyo kaninang 6:00 ng umaga para sa lahat ng kumpanya, maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng pagtaas mamayang 4:01 ng hapon.

--Ads--

Samantala, wala pang anunsyo ang iba pang oil companies kung magtataas din sila ng presyo ngayong linggo.

Nauna nang naghayag ang Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na posibleng magkaroon ng rollback sa presyo ng langis ngayong linggo.

Ayon sa ahensya, ito ay dahil sa inaasahang pagtaas ng produksyon ng krudo sa Venezuela, na nagpapahiwatig ng sapat na suplay sa pandaigdigang merkado sa kabila ng mahinang demand.