Inihain ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1552 na naglalayong ibaba ang Value-Added Tax o VAT mula 12% patungong 10% upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino, lalo na ng low at middle-income families.
Ayon kay Tulfo, ang pagbaba ng VAT ay agarang magpapataas sa kakayahan ng mamamayan na bumili ng mga produkto, na inaasahang magpapalakas din sa Gross Domestic Product o GDP ng bansa.
Giit ng senador, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na VAT sa buong Southeast Asia, kasabay ng Indonesia, na kapwa nasa 12%. Mas mababa aniya ang VAT ng mga karatig-bansa tulad ng Cambodia, Vietnam at Laos na nasa 10%, Singapore na 9%, Thailand na 7%, at Myanmar na may 5% commercial tax.
Dagdag pa ni Tulfo, ang VAT Reduction Bill ay hindi lamang makatutulong sa karaniwang mamamayan kundi gagawing mas competitive ang bansa.
May nakapaloob ding safeguard ang panukala upang mapanatili ang fiscal discipline. Maaari umanong pansamantalang ibalik sa 12% ang VAT sa rekomendasyon ng Secretary of Finance kung lalampas ang national deficit sa target ng Development Budget Coordination Committee.
Matatandaang naghain din noon si Tulfo ng panukalang tax holiday upang maibalik sa mamamayan ang bahagi ng kanilang ginastos sa buwis.











