CAUAYAN CITY – Isasagawa na rin ng Philippine Athletic Track and Field Association o PATAFA ang kanilang mga sports program sa online na magsisimula sa buwan ng Hulyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edward Kho, spokesman ng PATAFA, sinabi niya na bilang pagtalima sa mga direktiba ng pamahalaan ay napagpasyahan nilang isagawa ang kanilang mga programa sa online.
Kabilang na rito ang kids athletics instructors course at athletics coaches education system na magsisimula sa ikaanim ng Hulyo.
Mayroon itong apat na batch na bubuksan ang una sa Visayas, pangalawa ay sa Mindanao, pangatlo sa National Capital Region o NCR at pang-apat sa hilaga at timog Luzon.
Aniya, dati ay dalawang araw lamang nila itong isinasagawa subalit ngayon ay gagawin nila itong limang araw dahil kailangan din nilang ikunsidera ang koneksyon sa internet.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Ginoong Kho na mas magiging realistic ang matututunan ng mga gustong mag-enroll sa mga nabanggit na programa.