Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang patuloy na pag-agos ng lava at pagguho sa Mi-isi gully ng Bulkang Mayon nitong Miyerkules ng gabi, kasabay ng nagpapatuloy nitong effusive eruption.
Sa inilabas na pahayag sa social media, ibinahagi ng PHIVOLCS ang isang time-lapse video na kuha bandang alas-11:13 ng gabi na nagpapakita ng lava effusion mula sa bulkan.
Ayon sa state volcanologists, umabot na sa ika-73 sunod na araw ang effusive eruption ng Mayon, na nagresulta ng pyroclastic density currents o “uson,” at pagguho ng mga bato.
Napansin din ang tinatawag na “lava effusion with collapse PDC” sa Mi-isi gully, kung saan ang pagguho ng bahagi ng lava ay nagdudulot ng mapanganib na pagdaloy ng maiinit na abo at bato pababa ng dalisdis ng bulkan.
Patuloy namang binabantayan ng PHIVOLCS ang sitwasyon at pinapaalalahanan ang publiko na manatiling alerto sa mga posibleng panganib na dulot ng aktibidad ng Bulkang Mayon.











