--Ads--

Naniniwala si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na posibleng matapos ng House Committee on Justice ang probable cause stage ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Abril.

Ayon kay Flores, kapag nakumpleto na ang proseso, maaari na itong iakyat sa plenarya sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso. Kasalukuyang sinusuri ng komite kung may sapat na probable cause, matapos matukoy na may tamang porma, laman, at batayan ang reklamo.

May nakatakdang mga pagdinig sa Abril 14, 22, at 29, ngunit maaaring mapabilis depende sa daloy ng imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Flores na ang kasalukuyang proseso ay paunang imbestigasyon lamang at hindi pa paglilitis, kung saan sinusuri ang ebidensya at mga testigo.

--Ads--

Isa sa mga sinusuring testigo ay si Ramil Madriaga, na iniuugnay sa umano’y isyu sa confidential funds. Patuloy pang tinitimbang ng komite ang kredibilidad ng kanyang testimonya.

Dagdag pa ni Flores, layunin ng mga pagdinig na matiyak na tanging mga mapapatunayang alegasyon lamang ang maisasama sa posibleng articles of impeachment.