--Ads--

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong nitong Miyerkules, Hulyo 15, upang pag-usapan ang pagpapalawak ng ugnayan ng Pilipinas at Singapore sa mga larangan ng kalakalan, pamumuhunan, artificial intelligence (AI), kalusugan, at social development.

Naganap ang pagpupulong sa isinagawang working visit ni Marcos sa Singapore, kung saan muling pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang hangarin na higit pang paigtingin ang matibay na relasyon ng dalawang bansa sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya.

Batay sa pahayag ng Malacañang, tinalakay nina Marcos at Wong ang mga paraan upang mapalawak ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa, mapakinabangan ang mga oportunidad sa AI, makahikayat ng karagdagang mga mamumuhunan, at mapalakas ang kooperasyon sa sektor ng kalusugan at social development.

Nagpahayag din ng pagkakaisa ang dalawang lider sa pagsusulong ng mga panibagong bilateral agreement na inaasahang magbibigay-daan sa mas matatag at mas malalim na ugnayan ng Pilipinas at Singapore sa mga susunod na taon.

--Ads--