Naka-heightened alert na ang Coast Guard District Northeastern Luzon kasabay ng paparating na Semana Santa upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero sa pantalan at karagatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Ensign Erika Faith Coloso, nagsimula ang alerto mula Marso 28 hanggang Abril 5 bilang bahagi ng Oplan Byaheng Ayos Semana Santa 2026, na layong tiyakin ang maayos at ligtas na biyahe ng mga pasahero at turista.
Aniya nasa 600 personnel ang deployed upang magbantay sa Semana Santa.
Inactivate na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang Deployable Response Groups (DRGs) sa iba’t ibang lugar na nasasakupan ng distrito. Ang mga grupong ito ay handang tumugon sa anumang emergency sa dagat, kabilang ang aksidente, medical emergency, o pagkawala ng sakay sa karagatan.
Bukod dito, nagpapatupad ang PCG ng baywatch at coastal security patrols sa pangunahing pantalan at baybaying dagat. Layunin nito ang monitoring ng daloy ng pasahero, pagpigil sa aksidente, at pagbabantay laban sa iligal na gawain. Nagsasagawa rin sila ng canine panelling sa mga bagahe ng pasahero bago sumakay sa mga passenger vessels.
Ang sakop na mga pantalan ay sa Aurora, Isabela, Cagayan at Batanes.
Mula nang simulan ang pagbabantay, normal pa naman ang dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngunit sa mga susunod na araw pangunahin sa Myerkules at Huwebes, inaasahan na nila ang pagdami ng pasahero.
Pinayuhan ni Ensign Coloso ang publiko na sumunod sa mga patakaran ng pantalan at vessel operators at i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang masiguro ang ligtas at maayos na paggunita ng lahat sa Semana Santa.











