--Ads--

Nanatiling nakataas sa Blue Alert Status ang ilang bahagi ng Northeastern Luzon habang patuloy na binabantayan ng Philippine Coast Guard ang epekto ng Bagyong Kiyapo na inaasahang lalakas pa habang kumikilos patungo sa mainland Cagayan at Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard District Northeastern Luzon Public Information Officer ENS Dionisio A. Mahilum Jr., sinabi nito na nakapag-deploy na ang kanilang hanay ng 63 deployable response groups sa na binubuo ng 473 personnel upang tiyakin ang kahandaan sa posibleng epekto ng bagyo.

Ayon kay Mahilum, nagsasagawa ang kanilang mga tauhan ng pag-secure sa mga motor bangka, information dissemination sa mga residente, at pinaigting na pagpapatrolya sa mga pantalan. Kasabay nito ay mahigpit ding ipinatutupad ang No Sail Policy sa mga bahagi ng Aurora, Isabela, Calayan, Batanes, at Cagayan.

Sinabi rin niya na sumusunod naman ang mga residente at mga mangingisda sa ipinatutupad na No Sail Policy upang maiwasan ang anumang sakuna habang masama ang lagay ng panahon.

--Ads--

Nakahanda na rin aniya ang mga sheltering vessels at sheltering motor bangkas bago pa man itaas ng kanilang tanggapan ang Blue Alert Status bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa posibleng paglala ng kondisyon ng panahon.

Dagdag pa niya, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Coast Guard sa mga lokal na pamahalaan para sa agarang paglilikas ng mga residente sakaling lumala pa ang sitwasyon dulot ng bagyo.

Sa ngayon ay wala pa namang natatanggap na ulat ang kanilang tanggapan hinggil sa mga nasira o napinsalang motor bangka sa kanilang nasasakupan.

Samantala, muling pinaalalahanan ni Mahilum ang publiko na maging mapagmatyag, makinig sa mga abiso ng mga kinauukulang ahensya, at agad na humingi ng tulong kung kinakailangan. Aniya, nananatiling bukas at handang tumugon ang mga substations ng Coast Guard para sa mga nangangailangan ng agarang asistencia.