CAUAYAN CITY – Umaasa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maabot nila ang kanilang target na maideklarang drug cleared ang lahat ng barangay sa ikalawang rehiyon bago matapos ang 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Louella Tomas, spokesperson ng PDEA region 2, sinabi niya na patuloy ang kanilang drug clearing operation sa rehiyon.
Mula Enero hanggang Hunyo 2019, mayroon nang 445 na drug cleared barangay at 111 na barangay drug affected ang naideklarang drug cleared.
Kapag may isang tokhang responder na hindi sumailalim sa Community Based Rehabilitation and Welness Program (CBRWP) sa isang barangay ay hindi nila idedeklarang drug cleared.
Samantala, malapit nang ideklarang drug cleared municipality ang apat na bayan sa Quirino kabilang ang Maddela, Cabarroguis, Nagtipunan at Aglipay, Quirino.
Ang Diffun, Quirino ay pansamantalang maaantala ang deklarasyon nito dahil hinihintay pa ng PDEA ang iba pang isusumiteng dokumento.
Sa ikalawang rehiyon, ang Cagayan ang nangungunang may pinakamaraming drug surrenderer na sinundan ng Isabela, Nueva Vizcaya, Santiago City at Quirino.
Tinuturuan ng PDEA ang mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) kung paano gumawa ng barangay drug clearing folder.