
CAUAYAN CITY – Mayroon nang natukoy ang Cauayan City Police Station na person of interest sa naganap na pagbaril at pagpatay noong Miyerkoles, Mayo 18, 2022 sa isang truck driver sa naganap na road rage sa national highway sa San Fermin, Cauayan City.
Ang biktimang si Danilo Bramaje, 42 anyos, may-asawa at residente ng Gappal, Cauayan City ay binaril-patay ng kanyang nakasagutang tsuper ng motorsiklo na agad tumakas matapos ang pamamaril.
Batay sa kuha ng CCTVcamera sa lugar, muntik na mahagip ng trailer truck na minamaneho ni Bramaje ang motorsiklo na sinakyan ng 2 suspek habang paliko siya papasok sa planta ng isang kompanya sa barangay San Fermin.
Bumaba si Bramaje mula sa minamanehong truck habang tumigil ang motorsiklo at lumapit sa kanya ang dalawang lalake.
Nagkaroon ng sagutan hanggang barilin ng isa sa mga suspek si Bramaje na tinamaan ng bala sa dibdib na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt Col Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station na nagsasagawa na sila ng pagrecover sa mga CCTV footages sa mga lugar na dinaanan ng riding-in-tandem suspect.
Nanawagan si PLt Col Cuntapay sa mga nakakita sa pamamaril na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan dahil ang ibibigay na impormasyon ay malaking tulong sa kanilang imbestigasyon.
Bagamat malabo ang kuha ng CCTV camera at hindi nahagip ang plaka ng sinakyang motorsiklo ng mga suspek ay nakitang tumakas sila patungo sa direksiyon ng Alicia, Isabela.
Tiniyak ni PLt Col Cuntapay na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng katarungan ang pamilya ng biktima sa naganap na road rage.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay nanawagan ng hustisya ang misis ni Bramaje na labis ang pagdadalamhati sa nangyari sa kanyang mister.




